Thursday, February 14, 2013

Ang Pangarap Kong Jackpot


Subok lang. Suporta na din kay Sir Bino sa kanyang pakontes. Salamas!
**words in this story highlighted in red are part of the contest**


***********

Alas tres na. Nice. Uwian na. Dali-dali kong inayos ang mga gamit ko para makasibat na. Mahirap sumakay ng jeep kapag ganitong oras. Siksikan. Traffic pa pauwi. Mabuti na lang at Biyernes na. At least, makakapagpahinga ako ng dalawang araw sa day-off ko bago sumabak muli sa toxic kong trabaho sa Lunes.


Limang taon na rin akong nagtatrabaho sa kumpanyang pinapasukan ko. Mahirap ang buhay kaya kahit anong pilit ko sa sarili ko na magresign, wala ako magawa. Mahirap sa panahon ngayon ang walang trabaho. Bawal tumambay. Bawal magkasakit. Sayang ang kita. Lahat pa naman ngayon nagmamahal na. Ultimo alak at yosi. Kaya dapat, kayod ng kayod. Kung kailangan ko siguro magpakaputa ay gagawin ko, huwag lang mawalan ng source of income. Sagot sa kahirapan. At bisyo.


Labinlimang minuto na'kong nakatayo dito sa waiting shed kasama ang mga katulad kong nagmamadaling makauwi pero wala pa ring dumadaang jeep. Badtrip. Mabuti na lamang at nandoon si manong nakapwesto, nagtitinda ng dyaryo at magasin. Nakibasa-basa muna ko ng ilang mga peryodiko niyang nakadisplay, pampaalis inip lang. Pagkatapos, nagyosi na din muna ako.


Habang nagyoyosi, inobserbahan ko ang mga tao sa paligid ko. Si Kuya na manipis na ang buhok, inisip ko kung bakit 'di pa magpakalbo. Hindi niya ata alam na 'di naman nakakabawas sa pagkabarako ang pagiging kalbo. Pilit na dinadala ang iilang pirasong buhok mula sa bumbunan niya para gawing bangs at takpan ang oily niyang noo. Ang sagwa tignan. Gusto ko sana sabihan ng, "Kuya, wala ng chance yan. Tanggapin mo na!". Si Ate naman, retouch kung retouch. Foundation day. Kung maka-lipstick, wagas!


Pagkaubos ng yosi ko, sakto naman na may dumating na jeep. Unahan mga tao. Iyong isang lalake nga, sa sobrang pagmamadali ay hindi na niya inalintana kahit lumitaw man ang kanyang kuyukot, basta mauna lang siyang makasakay. Magaling ako mag-box out kaya agad din akong nakasakay at nakaupo. My favorite spot, sa dulo. Pagkatapos magbayad, inayos ko na ang upo ko para sana makaidlip man lang sa biyahe. Minsan kase, ang kalahating oras na biyahe, inaabot ng isang oras dahil sa traffic.


Isinandal ko na ang ulo ko, akmang pipikit na sana ng mapansin ko ang isang napakaganda, at napakaseksing chicks na nakaupo sa tapat ko. Maputi. Mahaba ang buhok. Napakaamo ng mukha. Tantiya ko eh magsing-edad lang kami. Napa-"shet" ako ng mahina pagkakita ko sa kanya. Siya, busy-busyhan sa touchscreen niyang cellphone. Hindi ko na tinuloy pa ang plano kong pag-idlip. Buong biyahe ay wala akong ginawa kundi silipan este pagmasdan ang napakagandang chicks na'to. Kulang na lang ay itutok ko sa kanya ang kamera ng cellphone ko at gawan siya ng scandal kunan siya ng piktyur.


Kung ano-anong kamanyakan mga thoughts ang naglalaro sa isipan ko ng mga oras na 'yon. Iniimagine ko paano kaya kung maging syota ko 'to? Jackpot! Para na'kong na-magnet sa kanya. 'Di ko maalis tingin ko sa kanya. Halos tunawin ko siya sa mga nakaw kong titig. Kung siguro ay isa lang akong ahas, kanina ko pa tinuklaw ang nakahaing masarap na pagkain na ito! Medyo nahahalata na niya na nakatitig ako kaya kapag akmang titingin siya sa'kin, agad kong ibinabaling sa iba ang tingin ko. Oo. Ako na ang TORPE!


'Di ko na namalayan ang oras. Ilang sandali pa, bumaba na siya. Shet. Ni hindi ko man lang nakausap. Or kinuha ko man lang sana ang number. Sayang! Mga limang minuto na lang at bababa na din ako pero di ko pa rin siya magawang iwaglit sa isip ko.


Kelan ko kaya siya makikita ulit?


     ***********

Mga ilang oras na rin akong nakatunganga dito sa bahay pero si magandang chicks pa rin ang laman ng isip ko. Parang bigla tuloy ako na-inspire na gumawa ng tula.

Habang nakaupo ako sa aking study table, binuksan ko ang drawer kung saan nakatago ang aking paboritong bolpen at ang aking mahiwagang notebook na naglalaman ng kung anik-anik kong mga komposisyon simula pa nung haiskul ako.


Hindi ako kagalingan magsulat pero mahilig ako gumawa ng mga tula; madalas nga lang, walang kabuluhan. Madalas ay nakakagawa at nakakapagcompose lang ako ng mga tula kapag ganitong parang inlababo ang pakiramdam ko. PBB teens? Siguro. Pero mas gumagana kasi ang utak ko kapag ganitong inspired ako. Ganado. Ganon.


Halos nakakalahati ko na ang kinocompose kong tula ng biglang magbrownout. Punyeta naman. Kung kelan ganado naman. Pakshet. Kasabay ng pagdilim ng paligid ay ang agad kong pagbalikwas para maghanap ng pansamantalang magbibigay liwanag sa paligid. Takot ako sa dilim e. Baka may mumu.


Gamit ang liwanag na nagmumula sa aking cellphone, naghalughog ako sa kusina. Nakita ko ang lumang lampara na minana pa ata ng mga magulang ko sa aking lola. Swerte namang may gaas pa ito kaya di ako nahirapang sindihan. At iyon na nga ang naging pansamantalang tagapagbigay liwanag sa aking silid bago muling nagkaroon ng kuryente. Ilang sandali pa ay dinalaw na rin ako ng antok at tuluyang bumorlog.


Kinabukasan, dahil sabado at dayoff sa trabaho, naisipan kong tulungan si nanay sa kanyang pamamalengke. Tagabitbit for the day. Namiss ko'to dahil nung medyo bata-bata pa'ko ay lagi ko itong ginagawa. Andaming tao sa palengke. Blockbuster. Napakainit sa loob. Napabili tuloy ako ng sorbetes kay Mang Gusting. Pamparefresh lang. Oha.



***********
 
Mabilis na lumipas ang mga araw. Medyo nawala na din sa isip ko si magandang chicks. Ang bilis ko lang mag-move on.


Isang friday night, naisipan ng tropa na lumabas. Gumimik. Since matagal-tagal na rin yung last na labas ko ay naisipan ko na din sumama. Pampaalis stress sa trabaho. Habang naliligo at feel na feel kong kinakanta (sinisigaw actually) ang kantang "One Thing" ng One Direction, muntik nako'ng tumakbo at lumabas sa banyo ng hubo't-hubad ng makita kong gumapang malapit sa paa ko ang isang alupihan. Mabuti na lang at mabilils ang reflexes ko. "Isang tsinelas ka lang" ang dialogue ko sa kawawang nilalang.


Alas 9 PM ng gabi ang usapan. As usual, late ang lolo nyo. Dahil friday night, andaming tao sa gimikan. Which is I prefer dahil "the more, the many-er". Joke. Syempre mas madaming tao, mas masaya. Mas madaming chicks. Pagkaupo ko pa lang ay nagpalinga-linga na'ko, umiispat ng madidiskartehan sa gabing iyon. 'Di pa man nakuhang mag-360 degrees ng ulo ko ay may naispatan na'ko. Shet! Si magandang chicks from the jeep. Andito din. With her girl friends. "This is it" sabi ko sa sarili ko.


Pagkalipas ng 2 bottles ng red horse, at kapal ng mukha, lumapit ako sa kanilang table at nagpakilala. 'Di ko alintana ang kantiyaw ng barkada. Wapakels. Chance ko na magkalovelife. Game naman si magandang chicks and her girlfriends kaya ng yayain ko sila na mag-isang table na lang kami with my tropa ay 'di na'ko nahirapan.


Kung pwede ko lang siguro patigilin ang takbo ng oras na iyon ay ginawa ko na, Charo. Ang saya-saya ko. Kahit madami kami sa table na iyon, pakiramdam ko ay solo namin ang bar. Ang mundo actually. Andami ko nalaman tungkol sa kanya. Graduate pala siya ng B.S. Biology at nagbabalak magpatuloy sa kursong medisina. Naman! Kung saka-sakali pala, doktora ang makakatuluyan ko. Da best! Nang matapos ang gabi, nagkapalitan kami ng cellphone number at inihatid siya pauwi sakay ng taxi.


***********

Matapos ang gabing iyon, naging regular textmates na kami. Mga ilang linggo din iyon. Sa aming unang date ay pinabasa ko sa kanya ang tulang na-compose ko nung una ko siyang makita. Kinilig ang gaga. Nalaman ko din na mahilig din pala siya gumawa ng tula. At may paborito din siyang bolpen. Ayun. At least, we have something in common.


Nasa "getting to know each other" stage pa kami hanggang sa ngayon, pero nakikinita-kinita ko ng heto na iyon. Ang pangarap kong jackpot, abot kamay ko na... ♥


***********

Ito ang aking lahok para sa Bagsik ng Panitik 2013 ng Damuhan: Blog ng Pinoy, Tambayan ng Pinoy